Tarlac LGU, Pia Cayetano nagsanib-pwersa para isulong ang healthy lifestyle sa pamamagitan ng fun ride
Maria Cristina Park, San Vicente, Tarlac

Nakipagtulungan ang lokal na pamahalaan ng Tarlac kay Senador Pia Cayetano nitong Sabado para i-organisa ang isang fun ride para itaguyod ang pagkakaroon ng magandang kalusugan sa pamamagitan ng pagbibisikleta.

Halos 500 Tarlaceño, bata at matanda, mula sa iba't ibang bahagi ng lalawigan ang nagtipon sa Tarlac Provincial Capitol kaninang madaling araw upang makiisa sa fun ride, sa pangunguna ng Pinay In Action (PIA) Caravan ni Senator Cayetano.

Sumama rin ang iba't ibang grupo sa lokalidad, kabilang ang PTK (Presyo, Trabaho, Kita/Kaayusan) group na Concepcion Capas Tarlac Transport Cooperative (CCTTC), gayundin ang ilang biking groups tulad ng La Paz Bikers Club.

Bilang atleta at tagapagtaguyod ng magandang kalusugan, inilunsad ni Senador Cayetano ang caravan upang magbigay ng inspirasyon sa mga Pilipino na magkaroon ng active lifestyle sa pamamagitan ng pagsali sa mga community sports.

Pinasalamatan ni Tarlac Governor Susan Yap si Senador Cayetano sa kanyang patuloy na pagsuporta sa lalawigan at sa biking community nito.

“Maraming maraming salamat sa ating minamahal na Senator Pia Cayetano, isang kaibigan ko at kasama sa mga adbokasiya para palakasin ang kalusugan ng ating mga kababayan,” pahayag ni Yap.

"Our advocacies in climate change and sports ay aligned po, kaya thank you to Sen. Pia," dagdag niya.

Nagpasalamat naman si Tarlac Provincial SK President Lukecorinth Pagarigan sa mga nag-organisa ng “masayang aktibidad”, na sumisimbolo aniya sa pagkakaisa at pagmamahal sa komunidad ng mga Tarlaceño.

“Sana ay magsilbi itong inspirasyon upang higit pang pag-ibayuhin ang ating adbokasiya para sa isang aktibo at malusog na kabataan,” wika niya.

Ito ang kauna-unahang fun ride na inorganisa ng PIA Caravan, kasunod ng fun run na isinagawa naman sa Pampanga nitong nakaraang linggo.

Ayon kay Philippine National Triathlon Team Coach Melvin Fausto, pinili ni Senator Cayetano na sa Tarlac umpisahan ang biking event dahil espesyal ang lalawigan sa pusong atleta ng senador.

“Noong 2005 o 2006, nag-aaral siyang magbisikleta noon, dito po siya unang natutong mag-race ng bike bago siya pumasok sa triathlon at duathlon,” kwento niya.

“Nang dumating po ang pandemic, dito rin po natin unang nilatag ang bike lane na bahagi ng batas na sinuportahan ni Senador Pia, ang Safe Pathways Bill,” dagdag niya.

 

Medical mission

Bukod sa biking activity, nagsagawa rin ng medical mission ang PIA Caravan nang araw na iyon sa Gerona, Tarlac.

Mahigit 400 Tarlaceño, lalo na mga kababaihan, ang nakinabang sa libreng konsulta sa doktor, pang-isang buwang gamot, at mga diagnostic procedure tulad ng x-ray, blood test, at ultrasound.

Kinilala ni Gobernador Yap ang pagsisikap ni Senator Cayetano na makatulong sa pagpapabuti ng kapakanan ng kabataan at pagpapalawig ng serbisyong pangkalusugan sa lalawigan.

“Marami na ho siyang naitulong sa Tarlac, and ngayon mayroon din siyang medical mission. Nagbigay din siya ng pondo para sa ating mga youth center at gymnasium,” wika ni Yap.

Nangako naman ang gobernador na mago-organisa pa ang lokal na pamahalaan ng katulad ng aktibidad sa Enero ng susunod na taon hanggang sa KanLAHI Festival sa Marso.

“Patuloy po nating palakasin pa ang bikers natin. Na-inspire ako dito kay Sen. Pia sa kanyang activity today, so we will do more,” pahayag niya.

Sa kanyang pangwakas na pananalita, pinasalamatan ni Yap ang mga lumahok sa ngalan ni Cayetano, na hindi nakadalo dahil sa budget deliberations.

"She sends her warmest regards to all the Tarlaceños," wika niya.

 

Ms. Angel Faith Danganan serves as the President of Central Luzon Balita and has worked as a broadcast journalist with the news group for less than a decade. Originally from Capas, Tarlac, she actively participates in numerous civic groups and public service initiatives. She took up her Broadcast communication studies at the Polytechnic University of the Philippines (PUP) Manila.

What's your reaction?

Comments

https://www.centralluzonbalita.com/assets/images/user-avatar-s.jpg

0 comment

Write the first comment for this!

Facebook Conversations

Disqus Conversations