views
Ang tambakan ng basura ay bahagi ng ng Eco Protect Management Corporation (EPMC), na pag-aari umano ng isang nagngangalang Alaine Tan. Itinayo sa mismong ibabaw ng mga abo at putik na iniwan ng pagsabog ng Mt. Pinatubo noong 1991.
Ang nakakatakot pa rito, ang basura ay halos ilang metro lang ang layo sa Pasig-Potrero River—isang mahalagang ilog na dumadaloy sa Porac, Angeles, Bacolor, Santa Rita, at Guagua. Isa itong pangunahing source ng tubig para sa mga palayan, poso, at irigasyon sa mga lugar na ‘yan.
Sa drone footage na kalat ngayon sa social media, kitang-kita ang mga sirang slope, nakaumbok na basura, at kawalan ng matinong proteksyon o harang para maiwasang gumuho ang tambakan, lalo na kung uulan o lilindol.
Makikita ang mga larawan at video sa Facebook page na “Porac VS Eco Protect”, kung saan nagsisimula nang mag-ingay ang mga residente at netizens.
“Kung may lindol o kahit landslide lang, delikado talaga. Dapat may pananagutan,” ayon sa isang nag-aalalang netizen na nag-tag pa sa Department of Environment and Natural Resources (DENR), ang ahensyang nangangasiwa sa mga landfill.
Ilang metro rin lang mula sa tambakan ang Pasig-Potrero River na dumadaan sa Porac, Angeles, Bacolor, Santa Rita, at Guagua. Ayon sa mga residente, kung walang maayos na harang o leachate treatment system, pwedeng mapasok ng lason na galing sa tambakan ang ilog lalo na tuwing may bagyo.
“Hindi lang amoy ang problema dito—apektado ang lupa, tubig, at hangin. Tahimik na krisis ito kung hindi aaksyunan agad,” babala ng isa pang residente sa social media.
Nagreklamo rin ang mga taga-Barangay Mancatian sa patuloy na mabahong amoy at tagas ng katas mula sa tambakan. Dahil dito, sumulat ang mga opisyal ng barangay kay Mayor Francis Tamayo ng Porac.
“Our constituents are affected due to the trucks delivering large volumes of garbage from different provinces dumped in landfill, Eco Protect , creating an unpleasant smell in our barangay. In line with this, we request your good office for immediate inspection. Your favorable and immediate action on this request is highly appreciated. [Apektado po ang aming mga kabarangay dahil sa mga trak na nagdadala ng napakaraming basura mula sa iba’t ibang probinsya papunta sa Eco Protect landfill, na siyang nagdudulot ng masangsang na amoy sa aming lugar. Humihiling po kami ng agarang inspeksyon mula sa inyong tanggapan. Lubos po naming pinahahalagahan ang inyong mabilis na aksyon],” ayon sa sulat.
“Meron din [katas ng basura]. Pero ngayon tinatakpan lang ng lahar. Sabi raw lalagyan ng drainage at filter, pero ewan ko kung chine-check ba talaga ng mga taga-inspeksyon kung may filter o wala,” pagkukumpirma naman ni Barangay Captain Edilberto Layug sa isang panayam sa TV.
Ibinahagi rin ni Layug na noong public hearing bago pa magsimula ang operasyon ng Eco Protect, maganda ang ipinakitang plano ng mga tagapamahala ng tambakan at sinabing kumpleto raw ito sa mga kailangang pasilidad. Pero nang inspeksyunin ang mismong lugar, marami sa mga ipinangakong gamit tulad ng drainage system, materials recovery facility o MRF, at iba pang panangga ay wala naman pala.
Makikita rin sa drone footage na walang harang laban sa pagkalat ng alikabok. Kapag tag-init sa Pampanga, ang alikabok na ito na may halong microplastics at mikrobyo ay pwedeng umabot hanggang Santa Rita, Calulut, at iba pang lugar, at magdulot ng sakit sa baga.
Sa ngayon, wala ring inilalabas na datos ang EPMC tungkol sa groundwater monitoring, kahit pa malapit ito sa mababaw na aquifer. Kung walang matibay na pananggalang o real-time monitoring, puwedeng makalusot ang lason sa mga poso na ginagamit ng libu-libong residente.
“Sana lang, hindi puro plano lang yung pinakita noon. Dapat may pananagutan kapag hindi natupad ang pangakong proteksyon sa kalikasan,” ayon sa isa pang social media commenter.
Ayon sa mga residente, malinaw ang ebidensya: ang Eco Protect ay parang bomba na anumang oras ay pwedeng sumabog. Dapat umaksyon ang mga lider at mamamayan ng Pampanga. Kailangang papanagutin ang EPMC at ang DENR. Ipinanawagan nila ang agarang pagpapatigil ng operasyon hangga’t hindi nasusuri ng isang independenteng grupo kung ligtas nga ba ito.
“Ipasara na ‘yan—marami nang magkakasakit dito sa amin at sa mga kalapit na barangay,” ayon sa isang galit na commenter sa social media.
=#
Comments
0 comment