1,064
views
views
Pinagpapahinto ng environmental group ang operasyon ng Eco-Protect landfill sa Porac, Pampanga dahil sa panganib sa kalikasan at kalusugan ng komunidad.
Nanawagan ang isang environmental group ng agarang pagpapatigil ng operasyon ng Eco-Protect Management Corporation landfill na matatagpuan sa Barangay Mancatian, Porac, Pampanga.
Sa isang position paper, hiniling ng Pinoy Aksyon Inc. ang moratorium o pansamantalang pagtigil sa operasyon ng landfill na nagdudulot ng panganib sa buong komunidad.
Ipinahayag pa ng grupo ang pangamba sa posibleng seryosong panganib sa istruktura at kalusugan ng publiko na maaaring magdulot ng isang environmental disaster, lalo na ngayong panahon ng tag-ulan.
Ayon sa grupo, ang pasilidad na itinayo sa ibabaw ng marupok na lupaing may lahar ay isang “sakunang pangkalikasan na naghihintay na lamang mangyari.”
“Ang dating ipinakilalang ‘sanitary landfill’ sa publiko ay isa na ngayong malinaw na banta sa kapaligiran, batay na rin sa ebidensyang kuha mula sa drone footage at mga testimonya ng mga residente,” ayon sa pahayag ng grupo.
Base sa kanilang pagsusuri, ang landfill ay nakatayo sa hindi matatag na lupang gawa sa putik ng bulkan o lahar kaya’t lubhang delikado sa pagguho o erosyon lalo na tuwing may bagyo at lindol.
Sa drone footage, makikita ang pagkasira ng mga gilid ng landfill, hindi pantay na pagkakapatong ng basura, at kawalan ng mga kailangang suporta sa istruktura.
Ipinahayag din ng grupo ang matinding pag-aalala sa lapit ng landfill sa Pasig-Potrero river, na pinagkukunan ng tubig at pagkain ng ilang bayan sa Pampanga gaya ng Bacolor, Santa Rita, at Guagua.
Nagbabala pa ang grupo ang posibilidad na makontamina ang mga irigasyon at aquifer ng lason mula sa "leachate" o maruming tagas ng basura sa tuwing umuulan at bumabaha. “Walang maayos na Materials Recovery Facility, walang air filtration system, at walang dust barriers,” ayon sa position paper. “Ang mga komunidad sa paligid—lalo na ang mga bata at matatanda—ang direktang naapektuhan.” Naglabas din ng hinaing ang mga residente sa mga karatig na lugar dahil sa mabahong amoy, alikabok, at posibleng pagkalat ng mga airborne pollutants gaya ng microplastics at pathogens.
Ikinalungkot pa ng grupo na wala umanong malinaw na datos ukol sa quality ng groundwater, protocols para sa emergency response, o kahit konsultasyon sa komunidad mula sa operator ng landfill.
Inilahad ng grupo ang apat na pangunahing kahilingan sa kanilang position paper:
1. Agarang moratoryo sa lahat ng operasyon ng landfill na pinapatakbo ng Eco Protect.
2. Isang independent at multi-sectoral na pagsusuri ng lugar na lalahukan ng mga eksperto gaya ng geologists, hydrologists, environmental engineers, mga lokal na lider, at mga apektadong residente.
3. Pampublikong akses sa lahat ng environmental impact reports, groundwater monitoring data, at compliance records.
4.Mas mahigpit na pagpapatupad ng land-use at zoning laws sa mga lugar na may panganib sa kalikasan upang maiwasan ang kaparehong mga insidente sa hinaharap.
Kamakailan lamang, personal na nagtungo si Pampanga Governor Dennis Pineda sa mismong lugar ng landfill matapos makatanggap ng sunod-sunod na reklamo mula sa mga residente laban sa Eco Protect.
Matatandaang una nang naglabas ng kautusan si Gobernador Pineda kaugnay sa pansamantalang pagsuspinde ng hauling pass na inisyu sa mga truckers at haulers mula sa lalawigan ng Bulacan na nagsasakay ng basura patungong Eco Protect, matapos matuklasang wala silang kinakailangang permit.
Kaugnay nito, kumikilos na rin ang Department of Environment and Natural Resources upang magsagawa ng masusing imbestigasyon sa operasyon ng nasabing landfill at tiyakin kung ito ay sumusunod sa mga batas pangkalikasan. End
Comments
0 comment